Presyo ng bigas sa Pangasinan bumaba na ayon sa NFA

1 week ago
13 Views
Ilang mga variety ng bigas na ibinibenta sa Lingayen public market. (Photo by Nora Dominguez)

By Nora Dominguez
Eagle News Service

LINGAYEN, Pangasinan (Eagle News) — Bumaba na sa P29 hanggang P30 kada kilo ang presyo ng commercial rice sa lalawigan ng Pangasinan, ayon sa monitoring ng National Food Authority.

Ayon kay Chona Maramba, assistant provincial manager ng NFA Western Pangasinan, ito ay dahil sa mataas na suplay ng bigas sa lalawigan dulot ng harvest season, lalo na’t hindi naman tinamaan ng kalamidad ang kalakhan ng mga rice producing towns.

Aniya, mababa rin ang bentahan ng NFA rice, na mabibili sa halagang P27 kada kilo o P1,250 kada kaban, dahil sa mataas na stock ng bigas ng ahensya, na sa kasalukuyan ay umaabot pa sa 123,000 bags.

Kaya taliwas sa nakaraang taon na kontrolado sa tiglimang kilo lang ang nabibiling NFA rice ng bawat consumer, ang NFA rice ngayon sa lalawigan ng Pangasinan ay open sales.

Ayon pa kay Maramba, patuloy na tumataas ang buffer stock ng ahensya dahil sa pagdagsa ng mga  magsasakang nagbebenta ng palay, dulot ng mas magandang alok  na pagbili ng NFA.

Binibili ng NFA ngayon ang aning palay sa halagang P19 kada kilo sa class A at P18 naman sa class B, na mas mataas sa P15 to P17 kada kilo na pagbili ng mga pribadong palay trader.

Inalis na rin aniya ng NFA ang maraming requirements para makabenta ang local farmers  sa ahensya, mula sa unang 200 sako ng kanilang aning palay.

Ayon pa sa NFA Western Pangasinan, target nila na makabili ng 125,000 bags ng mga bagong aning palay upang punan ang kailangang buffer stock ng ahensya para sa darating na lean months.

Umabot na sa 45,780 na sakong palay ang nabibili ng ahensya mula sa pag-uumpisa ng anihan noong Setyembre hanggang sa kasalukuyan.

Magpapatuloy aniya ang NFA sa pagbili hangga’t mayroong ibebentang palay ang mga magsasaka.

Naitala naman ang mga bayan ng Mangatarem, Alaminos, San Carlos, Malasiqui, Mangaldan, Calasiao, Sta. Barbara at Lingayen na may mataas na ani ng palay.

Let’s block ads! (Why?)

Agila Pilipinas – Eagle News

Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Translate »